Isang dalagita ang lumaki sa isang pataniman ng puno ng cherry sa Traverse City, Michigan. Konserbatibo ang kanyang magulang at laging pinupuna ang kanyang pananamit, tugtog na kinahihiligan, at pati ang hikaw nya sa ilong. May mga minsan na pinagbawalan sya lumabas. “I hate you! Hindi ko kayo mahal!” pabalang nyang sigaw ng minsang kumatok ang kanyang ama sa kanyang kwarto matapos ang isang pagtatalo, at nung gabi ding yun ay lumayas sya.
Dumeretso sya sa Detroit. Nabalitaan nya kasi na ito ay talamak sa droga, sa mga gangster, at ibat’ ibang kaguluhan. Sigurado sya na hindi iisipin ng kanyang magulang na hanapin sya doon. Sa California, maaari pa. Sa Detroit, malabo.
Sa pangalawang araw ng kanyang paglalayas ay may nakilala syang isang lalaking may magarang kotse. Inaya syang sumama nito at sya ay pinakain at binigyan ng matutuluyan. Pagkalaon ay pinasubok din sya nito ng mga gamut na nakaka-high. Masarap ang kanyang pakiramdam. Ngayon nya naisip na totoo ang kanyang hinala – na hinahadlangan lang ng mga magulang nya noon ang isang maligayang buhay na nararanasan nya ngayon.
Makalipas ang ilang buwan, ang lalaki na ngayon ay tinatawag nyang “boss” ay tinuruan syang magpaligaya ng lalake. Bata pa sya, at maraming lalaki ang handang magbayad ng malaki para sa kanyang mga serbisyo. Namuhay sya ng masagana at nasusunod niya ang lahat ng kanyang mga luho. Parang naging malayong panaginip na lang ang buhay nya noong di pa sya pumupunta ng Detroit.
Nagulat sya ng minsang makita nya ang sarili sa pahayagan “nakita nyo ba ang batang ito?” Pero iba na ang itsura nya at walang mag-aakala na sya yun, blond na ang kanyang buhok, at punung puno ng hikaw ang buo nyang katawan. At sabagay, puro layas din ang mga tinatawag nyang barkada ngayon. Walang sumbungan.
Makalipas ang isang taon ay bigla syang nagmukhang sakitin. Naging mabilis ang pagbabago sa pagtrato sa kanya ng kanyang “boss”. Agad syang pinalayas nito at nadatnan na lang nya ang sarili na wala ng matirahan at wala na kahit anong pag-aari kundi ang kanyang damit. Ginawa nya ang tanging alam nyang pagkakitaan pero kulang ito sa bisyo pa lang. Nang dumating ang taglamig, nagtyaga syang matulog sa harapan ng iba’t ibang gusali – ngunit maging ang pagtulog ay naging mahirap. Para sa isang teenager na babae sa isang madilim na gabi sa gitna ng Detroit ay hindi sya maaaring basta-basta matulog. Di nagtagal ay lumalim ang kanyang mga mata sa puyat at kakulangan ng pagkain.
Habang nakahiga sya isang gabi at nakikinig ng mga yapak ng sapatos ay para syang nagising sa isang katotohanan. Nag-iba ang tingin nya sa kanyang buhay. Hindi ito ang buhay na gusto nya at malayong-malayo ito sa inaasahan nyang kasiyahan na matatamo nya ng sya ay maglayas.
Pakiramdam nya ngayon ay isa lang syang batang babae, sa gitna ng isang malamig at nakakatakot na siyudad. Wala syang pera at nagugutom sya. Nanginginig pa rin sya sa lamig kahit na nasa ilalim ng pinagpatong patong na dyaryo. Sa isang saglit ay naglakbay ang diwa nya sa kanyang pinanggalingang lugar. Buwan ng Mayo ngayon, panahon ng tagsibol. Panahon kung kailan napupuno ng bulaklak ang mga kalsada sa Traverse City at lumalabas sya upang makipaglaro sa alagang aso sa gitna ng mga ito.
Diyos ko, bakit pa ko umalis, sambit nya sa sarili. Mas masarap pa ang kinakain ng aso ko sa amin.
Sinubukan nyang tumawag, answering machine lang ang sumasagot. Sa ikatlong beses ay naisipan na lang nya magiwan ng mensahe. “Dad, Mom, ako po ito. Handa na ko umuwi. Sasakay ako ng bus pauwi. Hating gabi na siguro makakarating dyan. Kung di ko kayo makikita sa terminal ay tutuloy na lang siguro ako sa Canada.”
Inabot sya ng pitong oras sa biyahe. Naglaro sa isip nya kung matatanggap ba sya ng kanyang magulang at kung paano hihingi ng tawad sa ama. Pero nag-aalala rin sya kung natanggap ng mga magulang nya ang kanyang mensahe. Dapat yata nag-antay pa ko hanggang makausap ko sila. Pano kung wala sila?
Napansin nya ang billboard ng Traverse City. Nag-announce ang driver “15 minutes lang tayo dito sa terminal. Pagkatapos ay tutuloy na tayo.” 15 minutes para pagdesisyunan ang buhay nya. Inayos nya ang sarili sa kanyang salamin at tinignan ang mga mantsa ng sigarilyo sa kanyang kuko. Mapansin kaya ito ng mga magulang ko… kung naroon sila.
Pagbaba nya ng terminal, nagulat sya sa kanyang nakita. Andun ang buo nyang pamilya at maging mga kamag-anakan. Ang kanyang magulang, mga kapatid pati tiyuhin at tiyahin, lolo at lola at bakas sa kanilang lahat ang kasiyahan. May dala pa silang banner na nagsasabing “Maligayang pagbalik.”
Sa kalagitnaan ng mga kamag-anak ay lumabas ang kanyang ama.
Pagsalubong ay humingi agad sya ng tawad. Dad, I’m sorry, alam kong…
Sa pagkakataong ito ay pinigilan sya ng kanyang ama at sabay sabi ng “Anak, wala tayong oras para dyan. Mahuhuli na tayo sa handaan. May nag-aantay na kainan sa bahay para sayo."
Comments