top of page
Writer's pictureRP Team

Martin Bucer (1491 –1551)


Si Martin Bucer (1491 –1551) ay isang Aleman na reformer na naka-base sa Strasbourg at nakaimpluwensya sa mga doktrina ng mga Lutherans, Calvinists, at Anglicans. Siya ay kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang Repormador noong ikalabing-anim na siglo, na naging pinuno ng Reformed Churches sa Switzerland at South Germany pagkamatay ni Zwingli.


Si Bucer ay orihinal na miyembro ng Dominican Order. Sa panahon bilang isang Dominikano hindi lamang siya naging bihasa sa paboritong theologian ng mga Dominicans na si Thomas Aquinas, ngunit naging masigasig din siyang Erasmian. Siya ay labis na humanga kay Luther sa disputation sa Heidelberg noong 1518 kung saan ipinaliwanag ng repormador ng Wittenberg ang kanyang natatanging teolohiya ng krus. Hindi nagtagal ay inilarawan ni Bucer ang kanyang sarili bilang isang 'Martinian' din. Kinilala niya ang commentary ni Luther sa Galatians na 'isang kabang-yaman na puno ng mga dogma ng purong teolohiya'. Pagkatapos ng kanyang pakikipagpulong kay Martin Luther at maimpluwensyahan nito ay inayos niya na mapawalang-bisa ang kanyang mga panata ng monastiko. Nakuha niya ang papal dispensation sa kanyang monastic vows noong 1522.


Pagkatapos ay nagsimula siyang magtrabaho para sa Repormasyon, sa suporta ni Franz von Sickingen. Ang pagsisikap ni Bucer na repormahin ang simbahan sa Wissembourg ay nagresulta sa kanyang pagtitiwalag sa Simbahang Katoliko, kayat napilitan siyang tumakas sa Strasbourg kung saan siya ay tinaggap sa pamamagitan ng tulong ni Zwingli at ng isa pang reformer na si Matthew Zell.


Sa loob ng isang buwan pinahintulutan siya ng konseho ng lunsod na magdaos ng mga exposition sa Bibliya sa Latin (hindi sa Aleman); makalipas ang dalawang buwan ay nangangaral siya sa St Thomas’ Cathedral; pagsapit ng Agosto 1524 siya ay ganap na naluklok bilang pastor ng parokya ng St Aurelia at hindi nagtagal ay kinilala siya bilang pinuno ng kilusang reporma sa Strasbourg. Sa mga panahong ito siya ay kumilos rin bilang isang tagapamagitan sa dalawang nangungunang mga reformers na sina Martin Luther at Huldrych Zwingli, na magkaiba sa doktrina ng Eukaristiya.


Naniniwala si Bucer na ang mga Katoliko sa Holy Roman Empire ay maaaring kumbinsihin na sumali sa Repormasyon. Sa pamamagitan ng isang serye ng mga kumperensya na inorganisa ni Charles V, sinubukan niyang pag-isahin ang mga Protestante at Katoliko upang lumikha ng isang pambansang simbahang Aleman na hiwalay sa Roma. Hindi niya ito nakamit dahil sa mga kaganapang pampulitika. Noong 1548, hinikayat si Bucer, sa ilalim ng pamimilit, na lagdaan ang Augsburg Interim, na nagpataw ng ilang practices ng mga Katoliko. Gayunpaman, ipinagpatuloy niya ang pagtataguyod ng mga reporma hanggang sa tinanggap ng lungsod ng Strasbourg ang Interim at pinilit siyang umalis noong 1549.


Pinili na Bucer na maging exile sa Inglatera. Pagkatapos ng maikling panahon bilang panauhin sa bahay ni Cranmer ay hinirang siyang Regius Professor ng Divinity sa Cambridge. Sumulat siya ng isang visionary na charter para sa isang Christian England na pinamagatang The Kingdom of Christ; ang kanyang pagpuna sa unang Book of Common Prayer (1549) ay nagdulot ng mga pagbabago para sa pangalawang version nito (1552); nag-lecture siya tungkol sa aklat ng Ephesians, nag-iwan ng impluwensiya sa ilang mga magiging pinuno ng English church; nagtulak para sa isang reformed na ministeryo; at nakahanap ng panahon upang magmalasakit sa mga mahihirap sa bayan.


Namatay si Bucer sa Cambridge sa katapusan ng Pebrero 1551, at inilibing sa simbahan ng unibersidad. Noong 1557, hinukay at sinunog ng mga komisyoner ni Queen Mary (na isang Katolikong reyna) ang kanyang katawan at giniba ang kanyang libingan; ito naman ay naibalik sa pamamagitan ng utos ni Queen Elizabeth I. Bagaman ang kanyang ministeryo ay hindi humantong sa pagbuo ng isang bagong denominasyon, maraming Protestanteng denominasyon ang nag-aangkin sa kanya bilang isa sa kanila.

17 views

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page