top of page
Writer's pictureRP Team

Babette’s Feast


Si Karen Blixen, pinanganak na Danish, nakapagasawa ng isang Conde, at ginugol ang panahon sa pagpapalago ng plantasyon ng kape sa British East Africa mula 1914-31. Matapos makipagdiborsyo ay bumalik sa Denmark at naging manunulat sa ilalim ng ngalang Isak Dinesen. Isa sa naisulat nya ay ang tanyag na “Babette’s Feast” na naisapelikula noong 1980’s.


Ang istorya nito ay umiikot sa Norway na pinagbibidahan ng isang Dean na pinuno ng isang sekta ng mga christianong protestante.


Anumang mga bagay sa sanlibutan na maaring magdulot kasiyahan sa tao ay iniwasan ng sektang ito. Ang tangi nilang kinakain ay pinakuluang isda at tinapay. Palagi silang nakaitim. Tuwing Linggo nagsasama-sama sila upang mag-awitan ng pananambahan sa Diyos at umawit tungkol sa “Jerusalem, ang ating tahanan sa langit.” Nakatuon na sila sa bagong Jerusalem na sumisimbolo sa langit, at pinilit iwasan ang alin mang kasiyahan sa mundo upang makarating doon.


Ang Dean ay balo. Biniyayaan ng 2 anak. Si Martine at ang kapatid nito na si Phillipa. Parehong maganda ang magkapatid at madalas na nagsisimba ang maraming tao upang masilayan lang sila.


Si Martine ay niligawan ng isang sundalo. Nagustuhan nya rin ito ngunit pinigilan ang sarili at tinaboy ang lalaki. Kaya’t nilisan ng lalaki ang lugar na yun na puno ng kalungkutan. Nalaman ni Martine na ito ay nagpakasal sa isa sa mga pamangkin ng Reyna.


Si Philippa ay nagtaglay di lang ng kandahan kundi pati ang napakagandang tinig. Tuwing umaawit sya ay parang nasa kalangitan na ang mga tagapakinig. Napakinggan sya minsan ng isang opera singer, isang Frenchman na nag-ngangalang Achille Papin, na nagbabakasyon noon sa kanilang lugar. Ito ay namangha sa tinig ni Philippa na sa kanyang tingin ay nararapat sa Grand Opera ng Paris.


Hayaan mo kong turuan ka pa lalong umawit, ang pagpipilit nya kay Philippa, at ang buong France ay luluhod sa iyong harapan. Pipila sa harapan mo ang mga hari upang ikaw ay pakinggan, sasakay ka sa mga magagarang karwahe, at magdiriwang sa pinakamagandang restaurant sa buong France – ang Café Anglais. Napilit nito si Philippa at napapayag nya na bigyan sya ng ilang leksyon sa pag-awit. Nagpakaba kay Philippa ang pag-awit tungkol sa pag-ibig. Lalo ng sa kalagitnaan ng isang awitin ay natagpuan nya ang sarili na nasa yakap ni Achille, ang mga labi nito na nasa kanyang labi. Naisip nya na ang mga bagong pakiramdam na ito ay dapat nyang iwasan. Nagtago sya sa tahanan at sumulat ang kanyang ama kay Achille na nagsasabing hindi na tatanggap si Philippa ng anumang pagtuturo sa musika. Bumalik si Achille Papin sa Paris, dala ang kalungkutan ng isang taong nakapulot ng kayamanan at naiwala uli ito.


Lumipas ang 15 taon at marami ding pinagbago ang kanilang lugar. Tumanda na ang magkapatid at sinusubukang ituloy ang misyon ng namayapa nilang ama. Ngunit sa kakulangan ng matatag na pinuno ay nahati at nagkaroon ng pagtatalo-talo ang mga miyembro. Ang isang myembro ay nagalit sa isa pang myembro tungkol sa negosyo. Nagkaroon ng usapin na may sexual affair sa pagitan ng dalawa pang myembro. At sa loob ng sampung taon ay di nag-usap ang isang pares ng matandang babae na parehong kasali sa sekta. Sa kabila ng lahat ng ito ay tuloy pa din ang pag-organisa ng magkapatid.


Isang maulan na gabi ay inistorbo ang magkapatid ng mabibigat na katok sa kanilang pintuan. Nagulat sila ng bumungad sa kanila ang isang babae na hinimatay pagbukas nila ng pinto. Ng mahimasmasan ay may inabot itong sulat. Sya daw si Babette, namatayan ng asawa at anak sa giyera sa France. Ipinadala sya doon ni Achille Papin sapagkat nasa panganib ang kanyang buhay at nagbabakasakali ito kung maaaring kupkupin ng magkapatid ang babae. “Si Babette ay mahusay magluto,” dagdag pa ng sulat.


Kinupkop nila si Babette at isinama sa pagsamba at pagkakawanggawa nila. Ito ang naging tagaluto nila ng kinakaing isda at tinapay at nanilbihan sa kanila ng tapat sa loob ng labindalawang taon. Kapansin-pansin na nabigyan buhay ni Babette ang kanilang kongregasyon dahil sa likas nyang pagiging masiyahin kahit na sa nangyari sa kanyang nakaraan.


Isang araw, nagulat ang lahat ng bigla na lang may natanggap na sulat si Babette. Nagsasaad ito na si Babette ay nanalo sa lottery ng 10,000 francs. Napag alaman na may kaibigan pa pala sya sa France na panay ang taya sa kanyang numero at nagkataon na nanalo ang numero nya.


Nataon din ito sa ika-100 na kapanganakan ng ama ni Martine at Philippa at nagdesisyon ang magkapatid na magkaroon ng konting handaan at pagsamba bilang pagdiriwang sa kaarawan nito. Kinausap ni Babette ang magkapatid at sinabi nya sa dalawa na wala pa syang hinihiling sa loob ng 12 taon na paninilbihan ngunit sa pagkakataong ito ay meron syang kahilingan. Hiniling ni Babette na ipagbigay-bahala sa kanya ang handaan at sa pagkakataong ito ay magluluto naman sya ng isang tunay na pista para sa kongregasyon. Hind naman makahindi sa kanya ang magkapatid at sumang-ayon ang mga ito sa kanya.


Nang dumating ang pera ni Babette ay agad itong naghanda para sa pista. Umalis sya upang bumili ng mga lulutuin. Sa mga sumunod na linggo ay namangha ang mga residente ng kanilang lugar. Bangka-bangkang probisyon at alak ang dumating para sa pista na hinahanda ni Babette. Sari-saring kulungan na puno ng maliliit na ibon, ilang case ng champagne, isang buong ulo ng baka, sari-saring gulay at karne, mga bagay na galing sa dagat kasama na ang isang malaking buhay na pagong – ang lahat ng ito ay dinala sa kitchen ng magkatapid na ngayon ay pinaghaharian ni Babette.


Sari-saring bisita din ang dumating sa pagsasalong hinanda. Kasama sa mga bisita ay ang dating manliligaw ni Martine na isa na palang general ngayon.


Sa pangamba ng magkapatid na makalimutan ang totoong dahilan ng pagsasalo - ang pagsamba sa Panginoon at pagdiriwang para sa kanyang ama - pinagsabihan nila ang mga tao na manahimik lamang tungkol sa pagkain pagdating ng pagdiriwang, at sumang-ayon naman ang mga ito.


“Incredible!” sigaw ng bisitang heneral. Habang ang mga mamamayan naman ay parang pagong na walang imik. “Amontillado!” sigaw uli ng heneral ng makilala nya ang alak na inihain sa kanya. “Ito ang pinakamasarap na putahe na nakain ko!”, dagdag pa nya sa mga nakain nya. “Kamangha-mangha! Ito ay Blinis Demidoff!” Pare-pareho lamang sila ng mga kinakain ng mga oras na iyon, pero ang mga mamamayan ay tahimik lang. Tanging ang heneral lang ang nag pahayag ng pagkamangha sa sarap ng kanyang kinakain.


Tahimik nga sila tungkol sa kinakain, pero pag laon ay parang may himala na bumaba sa mga myembro ng sekta. Dala ng masarap na pagkain, sila ay unti-unting napanatag, nagsimulang mag-usap at magkasiyahan. Ang kapatid na nandaya sa isa pa sa negosyo ay humingi ng tawad. Ang dalawang matandang babae na matagal ng hindi nagpapansinan ay nag-usap ng muli. Nagkwentuhan sila tungkol sa mga panahon na buhay pa ang pinuno ng sekta at ng mga mabubuting araw nila ng kasama pa ito. Nang dumighay ng malakas ang isang babae, napabigkas bigla ng “Halleluia!” ang katabi nito.


Samantala ang Heneral ay walang tigil sa pagpuri sa pagkain. Sinabi nya na sa isang lugar lamang sa buong Europa sya nakatikim ng ganun kasarap na pagkain. Ang sikat na sikat na Café Anglais sa Paris na nasira sa giyera.


Sya ay tumayo upang magbigay ng speech: “Mga kaibigan, ang pag-ibig at katotohanan ay nagtagpo sa gabing ito. Ang kabutihan at ang kapayapaan ay nagkita at nag-akap.” Sya ay napatigil. Sa kalagitnaan ng maliit na kongregasyong ito ang buong katauhan ng heneral ay parang naging tagapagsalita lamang para sa isang mensaheng kailangang maipahayag. Ang mensaheng ito ay tungkol sa biyaya.


Ang kwento ng “Babette’s Feast” ay natapos sa dalawang tagpo. Sa labas, ang mga myembro ay hawak kamay na nagtipon sa fountain at nagkantahan ng papuri sa Dyos dahil sa kanilang kasiyahan – kasiyahang naidulot ng masarap na kainan. Pakiramdam nila ng mga oras na yon, ayon kay Isak Dinesen “na para silang pinalaya, na pinatawad ang kanilang mga kasalanan, at sa kalagitnaan ng kapatawaran ay puno ng kasiyahan.”


Ang huling tagpo ay nangyari sa loob, sa gitna ng maruming kitchen na puno ng mga hugasan, ng maruruming mga kaldero, mga pinagbalatan, mga bukas na lata at kahon, at mga boteng walang laman. Nakaupo si Babette sa gitna ng kaguluhang ito, panandaliang nagpapahinga. Dumating ang magkapatid sapagkat napansin nilang, dahil sa kasunduan, wala maski isa sa kanilang nagpasalamat kay Babette para sa pistang ito.


“Masarap ang ihinanda mong pagkain, Babette,” panimula ni Martine.


Malayo ang isip ni Babette. Pabulong nyang sinabi, minsan nakong naging tagapagluto sa Café Anglais.


“Hindi namin makakalimutan ang lahat ng ihinanda mo sa gabing ito, Babette,” dagdag pa ni Martine, na parang di narinig ang sinabi ni Babette, “lalo na sa pagbalik mo sa Paris.”


Sinabihan sila ni Babette na hindi na sya babalik sa Paris, sapagkat mapanganib pa rin doon para sa kanya, at namatay na halos ang lahat ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak sa digmaan. At syempre pa, magiging magastos magsimula ng panibagong buhay sa Paris.


“Pero meron ka namang ten thousand francs?” ang tanong ng magkapatid.


Dito sinabi ni Babette ang katotohnan. Inubos nya ang lahat ng kanyang napanalunan sa ihinandang kainan. Huwag kayong magulat, ang sabi nya, ganun ang presyo ng isang hapunan para sa labing dalawang tao sa Café Anglais.


Sa speech ng Heneral, ipinahayag ni Isak Dinesen and totoong layunin ng kwento ng “Babette’s Feast”. Hindi lamang ito tungkol sa isang magarang kainan kundi isang kwento tungkol sa biyaya: isang regalo na napakamahal para sa nagbigay at walang bayad para sa mga tatanggap. Ito ang sinabi ni Generel Loewenhielm sa mga tahimik na miyembro ng sekta sa palibot ng hapag-kainan ni Babette:


“Lahat tayo ay napagsabihan ng mga matatanda na ang biyaya ay matatagpuan sa buhay sa sanlibutan. Ngunit dahil sa sarili nating pagkabulag ay inisip natin na ang biyaya ay may hangganan. Dumating ang sandali na ang mga mata natin ay nabuksan, at ating naintindihan na ang biyaya ay walang hangganan. Ang biyaya, mga kaibigan, ay walang hinihingi mula sa atin, kundi ang tayo ay maghintay lamang ng walang pag-aalinlangan at tanggapin ito ng may pagpapasalamat.”


Labindalawang taon ang nakakaraan, dumating si Babette sa kalagitnaan ng mga taong di nakatanggap ng biyaya. Mga masugid na tagasunod ng isang sekta, nakaririnig sila ng sermon tungkol sa biyaya tuwing Linggo, ngunit sa lahat ng ibang araw ay ginagawa ang lahat ng pag-iwas sa kasiyahan sa pagaakalang dito nila matatanggap ang pabor ng Diyos. Dumating sa kanila ang biyaya sa pamamagitan ng isang kainan, isang kainan na paminsan lamang mangyari, at ibinigay sa mga taong hindi ito pinagtrabahuan at kulang sa kakayanan na tanggapin ito ng may pagpapasalamat. Dumating ang biyaya sa kanila kung pano ito dumarating sa tao: libre, walang bayad, walang kapalit, isang regalo.

11 views

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page