top of page
Writer's pictureDexter Bersonda

10 Klase ng Non-Expositional Preaching



Sa aklat na "Expositional Preaching" ng 9Marks, binigyan ng diin ang tatlong elemento sa paggawa ng isang expositional sermon. Ito ay ang exegesis, theological reflection at contextualization. Upang lalong maipakita ang kahalagahan ng bawat isa rito, tignan natin ang ilang mga halimbawa o klase ng mga preaching na nangyayari kapag kulang ng isa o higit pa sa mga elementong ito. Ang ilan sa mga ito ay maaaring magsama sama sa iisang preaching.


1. Extemporaneous Preaching

Ito ay tumutukoy sa mga preaching na hindi pinaghandaan. Mayroong mga preachers na tumatayo ng walang kahit anong preparation. Ayon sa kanila, bahala na ang Banal na Espiritu na magturo kung anu ang babanggitin nila sa pulpito. Mayroon ding naniniwala na ang masigasig na paghahanda para sa sermon ay maaaring makahadlang sa mga gustong sabihin at gawin ng Banal na Espiritu. Ang kailangan lang daw gawin ng mangangaral ay ang madalas na pagbabasa ng bibliya at pananalangin, at maaari na silang tumayo any time na gusto nila.


Ang ganitong paniniwala ay misguided. Ang maingat at wastong paghahanda para sa sermon ay hindi nagiging hadlang sa pagkilos ng Banal na Espiritu. Ang nagiging hadlang sa Banal na Espiritu ay ang pagtitiwala ng isang mangangaral sa sarili niyang galing at karunungan sa paggawa ng sermon. Sa huli, ang Diyos ang siyang humihipo sa mga tao at nagbabago ng buhay nila, kung kaya’t walang sermon na magiging matagumpay kung wala ang Banal na Espiritu. Hindi ito nangangahulugan na hindi na kailangan ang preparasyon. Sa halip, dapat hingiin ng preacher ang gabay at pagkilos ng Banal na Espiritu mula sa preparasyon hanggang sa delivery ng kanyang sermon. In short, lakipan ng maraming panalangin ang paggawa ng preaching.


Ang sabi sa Col 1:28-29 “Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kalakasang kaloob sa akin ni Cristo.” Hindi maaaring mawala ang pagkilos ng Banal na Espiritu upang maging matagumpay ang isang sermon ngunit hindi rin nawawala ang pagsisikap sa parte ng mangangaral. Kumikilos sa atin ang Diyos habang tayo naman ay kumikilos at nagpapagal sa Kanyang kalakasan kung kaya’t dapat natin pagsumikapan ang preparasyon at paghahatid ng mensahe mula sa salita ng Diyos.


2. Experiential Preaching

Ito ang klase ng preaching na umiikot lamang sa pagkekwento ng “experience” o “testimony” ng mangangaral. Kung magkaroon man ng mga verses mula sa bibliya ay pasundot-sundot ito at ginagamit lang para suportahan ang kwento. Kung magkaroon man ng teksto ay hindi ito maayos na naipapaliwanag o wala itong puntos. Madalas na nakakalibang ang ganitong sermon sapagkat ang focus ay ang pagkekwento sa mga pangyayari sa buhay ng isang tao. Minsan ay may halo ring katatawanan ang mga kwentong ito. Hindi masama ang pag share ng testimony sa ibang mga tao at hindi rin masamang magbanggit ng testimony upang magbigay diin sa puntos ng isang preaching. Mas makabubuti lang kung gagawin ang testimony ng hiwalay sa preaching. Ang problema ay kapag ang isang buong preaching ay umikot lamang sa testimony at hindi sa salita ng Diyos. Hindi ito nagbibigay ng paglago at pagbabago sa mga tagapakinig.


3. Extravaganza Preaching

Ang salitang “extravaganza” ay tumutukoy sa entertainment. Ito ang klase ng preaching na ang tanging layunin ay mag-entertain o magbigay lang ng enjoyment sa mga tagapakinig. Ito ay walang pinagkaiba sa pakikinig ng mga tao sa radyo, sa comedy bar, o maging sa pagpasok sa sinehan. Ang layunin ng lahat ng ito ay mag entertain. Katulad ng experiential preaching, madalas ang ganitong klaseng mga preaching ay walang maayos na pag-aaral at paglalahad ng salita ng Diyos. Ang mensahe ay maaaring isang nakakatawang mensahe o maaring inspirational na mensahe na masarap lang pakinggan sa mga nakikinig, ngunit wala naman talagang dulot na paglago spiritually o pagbabago.


Nagbigay ng babala si Pablo ukol dito: “Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip.”


Ang mga preachers na nag eentertain lamang ng kanilang mga kongregasyon ay mas mainam na tawaging comedians, life-coaches, inspirational speakers or story tellers.


4. Expansive Preaching

Ang salitang “expansive” ay nangangahulugan na ang isang bagay ay napakalawak. Ang expansive preaching naman ay tumutukoy sa mga malalawak na preaching na walang nagiging isang thema or topic. Madalas na nangyayari ito dahil din sa kawalan ng paghahanda. Ang nangyayari ay magsisimula ang preacher sa isang topic, pagkatapos sa kanyang pagdi-discuss dito ay sasanga siya sa ibang topic, na maaaring sumanga pa muli. Dahil dito ang original na topic ay naiiwanan at sumasanga sa iba’t ibang paksa ang preaching. Ang ganitong preaching ay kung saan-saan napupunta. Nagkakahalo-halo ang mga paksa na pinag-uusapan kaya’t minsan ito ay tinatawag nating “chopsuey” na preaching.


Dahil ito ay lumilihis kung saan-saang paksa, may mga pagkakataon na nagiging mahaba ang ganitong mga preaching. At dahil din sa halo-halong paksa, kadalasan ay walang natututunan ang mga tagapakinig kundi sa ilang mga pangungusap na maaaring maalala nila.


5. Extortion Preaching

Ang ganitong klase ng preaching ay madalas ginagawa ng mga prosperity-gospel churches. Sa halip na mag “exhort” sa mga tao upang sila ay lumakas at lumago spiritually, laging bumabagsak ang direksyon ng preaching sa pagbibigay o sa tithes and offering. And dapat na exhortation ay nagiging extortion. Sa ganitong klaseng preaching ang layunin ng preacher sa simula pa lang ay ang maitulak ang mga tao sa pagbibigay. Mayroon ng sariling agenda ang preacher at ginagamit na lang ang paghahayag ng salita ng Diyos upang maitulak ang agenda na ito. Ang nagiging pangunahing layunin ng paghahatid ng salita ng Diyos ay upang makuha ang gusto sa mga tao o pakinabangan ang mga tao para sa pansariling layunin. Sa ganitong mga preaching ang mga tao ay kinakasangkapan lamang para sa interes o pakinabang ng preacher.


6. Exploitation Preaching

Ang salitang “exploit” ay tumutukoy sa pakikinabang o pagsasangkapan sa iba para sa selfish o makasariling intensyon. Kung ang extortion preaching ay ginagamit ang mga tao, tinatawag naman nating exploitation ang isang preaching kapag kinakasangkapan o ine-exploit ng preacher ang salita ng Diyos para sa anumang layunin niya. Ang agenda o layunin ng preaching ay nanggagaling sa preacher. Madalas ay buo na ito bago pa man simulan ang paghahanda sa sermon. Humuhugot na lang ng mga verses sa bibliya upang magamit na pang suporta o magbigay ng pundasyon sa layunin ng preacher.


Tinatawag itong exploitation dahil ginagawang kasangkapan ng preacher ang word of God. Ngunit isang bagay ang dapat natin maintindihan, sa pagkakatawag sa atin ng Panginoon bilang preachers ang ating layunin ay maging tapat na mouthpiece o tagapagsalita ng ating Diyos. Hindi binigay ang salita parang maging kasangkapan sa ating layunin. Hindi kasangkapan ang salita ng Diyos para gamitin. Ito ay baligtad. Tayong mga preachers ang kasangkapan na dapat gamitin ng salita ng Diyos upang maiparating ng malinaw at tumpak ang mga ito sa mga tupa. Kaya’t sa ating paghahanda ng sermon ay tanungin natin ang ating sarili. Sino ang masusunod sa sermon, tayo ba o ang bibliya? Sino ang manggagamit at sino ang magpapagamit? Tayo ba ang gagamit sa salita para sa ating layunin, o tayo ang gagamitin ng salita para sa layunin ng Sumulat nito?


7. Explanatory Preaching

Ang isang preaching ay tinatawag natin na “explanatory” kapag ang tanging ginagawa nito ay ang pagtuturo ng mga kaalaman tungkol sa bibliya. Ito ay pagbibigay lamang ng “knowledge” at maaaring mas matawag na “teaching” kaysa sa “preaching”. Nangyayari ang ganitong klase ng preaching kahit na may maayos na pagkuha ng mensahe ng teksto na binasa. Gayunpaman, hindi dito natatapos ang sermon at kulang ang pagtuturo lang ng mga kaalaman mula sa bibliya kung hindi ito maipaliliwanag sa kabuuan ng ebanghelyo o sa “plan of redemption” ng Panginoon. Gayundin, kailangan ng maayos na exhortation sa mga lessons mula sa teksto upang ito ay maging praktikal at mabigyan ng aplikasyon ng mga makikinig sa kanilang mga buhay ngayon.


Ang ganitong preaching ay parang nagiging “lecture” lamang mula sa paaralan. Ito ay may gamit pagdating sa ibang gawain, katulad ng mga discipleship groups or Sunday school, ngunit hindi ito naaakma at may malaking kakulangan para sa preaching sa isang Sunday service.


8. Exhausting Preaching

Kailan nagiging nakakapagod ang isang preaching? Ito ay nangyayari kapag ang mga encouragement upang ang mga tao ay lumago, magpatawad, maglingkod, lumakad ng may kabanalan, at iba pa ay ginagawa sa labas ng konteksto ng ebanghelyo ng ating Panginoong Hesukristo. May mga pagkakataon na nakakalimutan itong banggitin o bigyan ng diin ng mga preachers. Mabuti na paalalahanan ang mga makikinig tungkol dito sa mga bagay na ito, pero kailangan din natin bigyan palagi ng konteksto kung bakit kailangan nila itong gawin. Ang konteksto palagi nito ay ang ebanghelyo, o ang ginawa ni Kristo para sa atin.


Kapag nagturo tayo ng mga paksa na may kinalaman sa pamumuhay ng may kabanalan ng hindi natin ginagawang pundasyon ang ginawa ni Kristo, ang ating preaching ay nagiging moralistic preaching. Nagtuturo tayo ng moralidad sa mga tao. Kung hindi nakabase kay Kristo, ito ay gagawin ng mga tao sa pamamagitan ng sarili nilang mga lakas, na sa huli ay babagsak lang sa pagkabigo at sa pagkapagod. Kaya dapat nating tandaan na anumang ituro natin tungkol sa pagbabago, paglilingkod, paglago, pagpapakabanal at iba pa ay dapat na nakatayo sa pundasyon ng mga ginawa ni Kristo para sa atin.


9. Exaggerated Preaching

Ang exaggerated preaching ay tumutukoy naman sa klase ng preaching kung saan ang teksto ay binasa lang ng madalian o ng walang ingat ng preacher, pagkatapos ay gumawa na siya ng sermon outline sa kanyang naisip tungkol dito. Ang ganitong klase ng sermon ay nagiging highly “subjective”. Ibig sabihin ang nilalaman ay naaayon sa isip, damdamin at opinyon ng preacher.


Ang pangunahing problema sa ganitong klase ng preaching ay ang pagkawala o pagiging secondary ng orihinal na mensahe na nais iparating ng teksto na binasa. Minsan ang orihinal na mensahe ay hindi nabibigyan ng emphasis. May mga pagkakataon pa nga na nagagamit ang mga teksto para sa mga pag-aaral at pagtuturo na malayo sa orihinal na intensyon nito. Ito ang dahilan kung bakit ang preaching ay nagiging “exaggerated”. Ang orihinal na intensyon ng Salita ay nadadagdagan o napangingibabawan ng kaisipan o opinyon ng preacher. Dahil mali ang mensahe na ipinaparating mula sa Salita ay nawawalan na ng saysay ang kabuuan ng sermon.


10. Extrabiblical Preaching

Kung ang exaggerated preaching ay umaasa sa isip, damdamin at opinyon ng preacher, ang extrabiblical preaching naman ay ang paghanap ng extrabiblical revelations na siyang nangingibabaw sa orihinal na intensyon ng preaching. May mga preachers na naghahanda sa sermon sa pamamagitan ng paghahanap ng teksto ngunit pagkatapos ay hindi na pag-aaralan ito at mananalangin na lamang o mag memeditate upang ibigay sa kanya ng Banal na Espiritu ang mga ituturo tungkol sa teksto.


Uulitin natin na kailangan ang panalangin at ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa paghahanda, ngunit hindi nito tinatanggal ang pangangailangan ng sistematiko at masusing pag-aaral sa salita ng Diyos. Ang pinakamalaking problema kapag ginamit ang meditation lang sa paghahanap ng mensahe ng teksto ay ang kahirapan sa pagkilala sa tinig ng Banal na Espiritu at sa tinig ng sarili nating isip. Madalas ang ating naririnig sa meditation ay ang tinig ng sarili nating isip at kapag ginamit natin ito sa pagtuturo, nagiging “extrabiblical” o labas sa tinuturo ng bibliya ang preaching.



Conclusion

Nakita natin ang ilan sa mga klase ng preaching na nais nating iwasan. Lalo natin bigyan ng diin at pagpapahalaga ang pag-aaral at paghahanda para sa ating mga sermon upang maiwasan natin ang mga ito.



 

Ang aklat na "Expositional Preaching" ay available sa Pilipinas dito sa pamamagitan ng Treasuring Christ PH.

1,064 views

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page